Tuesday, April 29, 2008

life wasted

SONETO SA ISANG TAON NG PAGKAWALA
NI JONAS BURGOS , AKTIBISTA
ABRIL 28, 2008
ni Gregorio V. Bituin Jr.
 
 
Parang kailan lang ay naririyan ka
Laging kaulayaw ng mga kasama
Ngunit halakhak mo'y di na narinig pa
Simula nang ikaw ay pilit kinuha.
 
Isang taon na ang nakalilipas
Nang inagaw nila pati iyong bukas.
Ano ang sala mo't ikaw ay dinahas
Ng mga pilatong sa bayan ay hudas?
 
Sa nangyaring yao'y tanong ko ay bakit
Ikaw ay dinukot nilang malulupit?
Dahil ba prinsipyo'y tangan nang mahigpit?
Kasama ba ito sa pagpakasakit?
 
Nawa ang totoo'y malaman ng bayan
At hustisya nawa'y iyo nang makamtan.
 
 
DESAPARECIDOS
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Decaparecidos – ang kahuluga’y “involuntary disappearances” . Sila ang mga sapilitang nawala na hanggang ngayo’y pinaghahanap pa rin ng kanilang mga pamilya at di pa nakikita, kahit katawan nila, hanggang ngayon.)

 
Desaparecidos, nasaan kang dako
Nawala ka’t sukat at biglang naglaho
Tila ka tinangay ng kung sinong dyablo
Ang pagkawala mo ay isang misteryo.
 
Mga kaibiga’y pinaghahanap ka
Mga magulang mo ay nag-aalala
Nagmamahal sa ‘yo’y pumatak ang luha
At mga anak mo’y biglang naulila.
 
Marami na kayo na nawalang pilit
Di kilalang tao kayo’y ipinuslit
Baka katawan nyo’y tadtad ng hagupit
Di na rin narinig kahit inyong impit.
 
Di ba’t pagtatanggol sa’ting karapatan
Ay banal na gawa ng bawat nilalang
At bakit ba kayo ay nilapastangan
Kayo ay dinukot nilang mapanlinlang.
 
Ah… maraming anak ngayo’y malaki na
At mga kapatid ngayo’y matanda na
Napakarami na ng mga ulila
Ngayon, ating mahal ay nawawala pa.
 
Hoy, mga berdugo, itong ginawa nyo’y
Masakit, dapat ngang parusahan kayo
Ah, hindi ko alam kung magharap tayo’y
Gibain kong bigla iyang dibdib ninyo!
 
O aking kasama, mahal kong kapatid
Pagkawala ninyo’y sumabog sa dibdib
Hanap na hustisya’y aming igigiit
Di kami titigil kahit may balakid.
 
Dapat nang matigil itong pagkawala
Dapat nang puksain kriminal na gala
Sa mga ginawa’y parusahan sila
Himasin na nila ang rehas na hawla.
 
Di pa tapos itong aming paghahanap
Dito sa hustisyang sadya ngang mailap
Ang hiling lang namin ito’y mahagilap
Nang kapayapaan sa puso’y malasap.

No comments: